Tag Archives: wika

E. San Juan Jr.: Interbensyon sa Usapin ng Pambansang Wika

“Sa kasalukuyang matinding sigalot sa bansa, anumang talakayan hinggil sa wika ay tiyak na magbubunsod sa isang away o maingay na pagtatalo. Kahawig nito ang usapin ng kababaihan. Laging matinik ang isyu ng pambansang wika, isang sintomas ng pinaglikom na mga sakit ng body politic. Tila ito isang mitsang magpapasabog sa pinakabuod na mga kontradiksiyong bumubuo sa istruktura ng lipunang siyang nakatanghal na larangan ng digmaan ng mga uri at iba’t ibang sektor.” -E. San Juan, Jr.

Download: Interbensyon sa Usapin ng Pambansang Wika

Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata: Folklore, Media at Diskurso ng Bata (Rolando Tolentino)

“Tinutunghayan ng sanaysay ang panitikang pambata bilang produkto ng gitnang uring branding, konsumerismo at kapitalismo. Ang produksyon ng “wholesome” na kalidad at porma ng panitikang pambata – librong ibinebenta, kalakip ang masining na ilustrasyon, salin sa Ingles o Filipino, at pagkakaroon ng leksyong matututuhan at “how to teach” na segment sa huling bahagi ng libro – ay simptomatiko sa konsumeristang panghihimok tungo sa gawi at pagmamarka ng gitnang uring panuntunan ng buhay. Kung gayon, ang pinag-aagawang “pagkabata” sa panitikang pambata ay hindi hiwalay sa panlipunang kondisyon at turing sa mga bata – bilang receptacle ng kawalang-kapangyarihan at ahensya. Sa isang banda, ang pagkabata ay isang winalay na yugto ng pagkamamamayang nakapaimbalot sa marahas na kondisyon ng paghihikahos at pandarambong. Sa kabilang banda, ang niche market ng panitikang pambata – ang gitnang uri at mga institusyong nagpapalaganap nito – ay sablay sa aktwal na materyal na kondisyon ng pagkabata at pagkamamamayan.” (abstrak)

Download: Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata

Fili sa Filipino: Piling-Piling Pilipitan (Isagani Cruz)

“Layunin ng pag-aaral na patunayan na ginagamit ng estado ang El Filibusterismo ni Jose Rizal upang ipagpatuloy ang pagsupil sa diwang mapagpalaya ng kabataan.

Layunin din ipakita na magagamit ang isang metodo ng kritika para mahuli ang pag-iintriga ng estado sa larangan ng ideolohiya. Sinasadyang pinipilipit ng estado, sa pamamagitan ng kinakasangkapan nitong sistema ng edukasyon, ang kaloobang makabayan ni Rizal. Ginagawa ito ng estado sa maraming paraan, unang-una na ang sapilitang pagpapabasa sa mga estudyante sa hayskul ng pinilipit na bersyon ng El Filibusterismo.” (mula sa abstrak)

Download: Fili sa Filipino: Piling-Piling Pilipitan

Wika at Katauhang Babae: Mula Mito Hanggang Panahong Moderno (Ruth Elynia Mabanglo)

“Mahalaga ang pangalan at panawag sa alinmang lipunan. Sa maraming pagkakataon, mapatutunayang nagagamit ang mga ito sa paglikom ng kapangyarihan o lakas para sa makasariling layon. Hindi mahirap unawaing nakatutulong ang panawag/diskripsyon o kasabihan at salawikain o imahen sa literatura at sining, sa pagbubuo ng tao ng sarili niyang palagay o konsepto ng kanyang sarili. Binibigyan ng kahulugan at kabuluhan ng wika ang pagkatao at katauhan ng tao. Sabi nga nina Francine Frank at Frank Ashen, ‘kung pag-aari ng pinangalanan ang pangalan, ang karapatan sa pagpapangalan ay nagtataglay ng kapangyarihang bigyang-kahulugan ang pinangalanan. Tinatalakay sa papel na ito ang ilang mga larawan at imahen ng babae na matatagpuan sa mga mito hanggang sa kasalukuyang panahon. Partikular na tinitingnan ang papel ng wika sa patuloy na pagpapanatili ng negatibong imahen na malayo sa tunay na katauhan ng babae.” (abstrak)

Download: Wika at Katauhang Babae Mula Mito Hanggang Panahong Moderno