“Ang mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino na may bakas ng lumipas ng nakaraang digmaang pandaigdig, partikular pagkaraang muling makamit ang pampulitikang kasarinlan noong Hulyo 4, 1946, ay nananatili hanggang ngayon nang babahagya lamang o walang pag-asang malutas sa kagyat na hinaharap. Kiming tinatalakay ng ilang upisyal publiko at ng komunidad sa akademya ang mga problemang ito, na karamiha’y pang-ekonomya at panlipunan. Ito ay sa dahilang sa konteksto ng kasalukuyang lipunan, kung saan pagkumporme ang kataas-taasang birtud, ang anumang kritikal na paglalantad sa mga problemang iyon, laluna’t nakakaapekto sa ugnayang Pilipino-Amerikano, ay binabansagang komunista, at kung gayo’y subersibo sa nakatatag na kaayusan. Ilan lamang na matatapang, na pinamunuan ng yumaong Claro M. Recto at Jose P. Laurel, ang nangahas sa bawal na usapin. Ngayon, halos sampung taon na ang lumipas pagkaraang mamatay sina Recto at Laurel, ang mga kabataan at hindi ang mga nakatatanda sa kanila ang nakikipagbatbatan sa mga tagapagtanggol ng kasalukuyang lipunan at dahil dito’y dumaranas sila ng panghaharas at pang-iinsulto mula sa mga propesyunal na anti-komunista at witchhunters. Si Jose Ma. Sison ang kabataang lalong hinaharas at sinisiraan ngayon pero hindi siya nagpapasindak para mapatahimik ng mga taong dahil may hawak na kapangyarihan at umakyat sa ulo ang kapangyarihan ay piniling maging tulad nina Kapitan Tiago at Senyor Pasta sa mga nobela ni Rizal.” (mula sa Introduksyon sa Unang Edisyon)
Download: Makibaka para sa Pambansang Demokrasya